Chitika

Wednesday, April 16, 2008

Nang Mangarap Ang Kawal

Lumaki ako sa kaharian ng Ariania,
Kahariang sakop ng lupain ng Kabusao-an
Kaya nagtataka kung bakit puso’y nasa Shirledonia,
Kahariang sakop ng lupain ng Mambulao-an.

Naitakda na noon na ‘di ako kasama sa ipapadalang kawan
Ngunit kinalauna’y nakabilang sa mga kawan
Bilang tugon sa hinihinging tulong ni Reyna Lauren
Para sa dagdag bantay habang wala si Haring Ibayen.

Tadhana na nga ba ang nagtakda na magtagpo?
O ang mga batobalaning namamahay sa ‘ting mga puso
Na pilit kumakawala para hanapin ang kabiyak
At pagdikitin ng pag-ibig sa oras na mahanap.

Inaamin ko na hindi maikakaila ng aking puso na mahal kita
Mula ng ikaw ay matanaw sa kaharian ng Shirledonia
Subalit isang bagay ang gumugulo sa aking gunita
Na ako ay ‘di nararapat sa tulad mong maharlika.

Ang dugong bughaw na sa iyo’y nananalantay
Ay di kayang maarok ng tulad kong kawal lamang
Isang kabalyero lamang ako sa inyong kaharian
Na masaya ng panatilihin ang iyong kaligtasan.

Sa pagdalaw ng mga prinsepe sa inyong kastilyo
Ay ‘di ko mapigilan ang pagsusumamo
Subalit anong laban ng isang bantay lamang
Na sa tarangkahan ay dinadaanan lamang.

Mahal na prinsesa, paumanhin mo’y hinihingi ko.
Nang tahasan kong ipagtapat ang nararamdaman ko
At pasasalamat din sa konting patikim ng pag-asa
Ngunit sa nobela lang yata nagtatagpo ang langit at lupa.

Sa munting yakap ng malarosas mong pagmamahal
Kalawakan ng paraiso’y aking napuntahan
Subalit ang mga tinik unti-unti kong naramdaman.
Na tumatagos na rin sa aking katawan.

Kalasag kong ‘di mawasak ng espada’t palakol
Walang hirap na tinusok lamang ng taglay mong karayom
Katawan kong ‘di dati masugatan ni sa dakilang digmaan sa Merced
Ngayon, maging puso ko’y iginapos lamang ng mahinhin mong sinulid.

Ano pa nga ba’t si Haring Eros ay akin pang nakalaban
Nang kami ay magharap sa kaharian ng Mambulao-an
Kung pwede lang siyang pabagsakin sa karagatang na Bagasbas
Ngunit sadyang ‘di ko maitanggi ang kakaiba niyang lakas.

Ang akala ko’y kalakasan ko na ang aking kalasag
Na gawa pa sa gintong sa bundok Cabalquinto pa tinibag
Na regalo pa sa akin ng Mahal na Hari ng Shirledonia
Dahil sa aking katapatang pinamalas sa mg autos niya.

Ngunit paano ko maipagpapatuloy ang matapat na paglilingkod
Kung napabagsak na ako ni Haring Eros ng Lovania
Paano ko sasabihin ng buong tapang sa haring mahal
Na ibang katapatan na ang nais kong ialay sa anak niyang mahal.

Kaya masakit man sa loob komglumayong saglit
At bumalik sa kaharian ng aking pagkapaslit
Doon sa Ariania, magbabanat ng puso’t kalooban
Para sa muli nating pagkikita ay handa na sa bagong laban.

Kung ang kasamahan kong si Achilles, kahinaan niya’y talampakan
Akong si Juan ng Ariania, dibdib ang lupaypay
Kaya kalasag ko’y patung-patong para sa sapat na proteksyon
Ngunit laking kabaliwan ‘pagkat kay bigat makaahon.

Nababatid ko mahal na prinsesa, na ‘di ka pa handa ni sigurado
Sa mga salitang binibitiwan mo
Sana ay pagnilayan mo ang iyong nararamdaman
Bago mo bitiwan sa tapat mong kawal.

Pangarap kong hagkan ang malambot mong mga labi
Na sa hardin ng kalangitan, natatanaw kong lagi
At kung pwede lang mayakap ang iyong kagandahan
Para kahit saglit, pintig ng puso mo’y maramdaman.

Subalit sadyang pangarap na lang yata ang mga iyon
Kaya sa kaibigang hanging kasama mo sa lahat ng panahon
Nanakawin ko na lang ang mga yakap at halik niya sa’yo
Sa tuwing ika’y nahihimbing sa malalim at mapayapang gabi sa palasyo.

O maaari bang maimbitahan kang dumalaw sa aking panaginip
Magiging masaya na kahit paggising larawan mo na lang ang silip
Kahit na makasama ka lamang ng magdamag sa mundo ng pangarap
Subalit labis pa din ang pagpupumilit ng puso ko na ika’y mahanap.

O mahal na Prinsesa Ana ng Kahariang Shirledonia
Patawarin mo ang puso kong walang karapatang mahalin ka
O mahal na prinsesang natatangi sa aking puso
Hayaan mong akong magpaalam at sa kaharian ay saglit na lumayo.

O mahal na prinsesa ng puso kong umiibig
Kapag ako’y karapat-dapat na sa iyo, ako’y babalik
At sa panahong mabatid ko na tiyak ka na sa iyong damdamin
O prinsesa Ana, pangalan ko’y banggitin at ako’y darating.

Ngunit kung mapagtanto mo na ‘di ka nga nakatitiyak
Maaari ko bang malaman kung ka magaganyak
Para ramdamin nang kahit saglit ang pag-ibig kong wagas at dalisay?
At maaari ko bang malaman ang kasagutan bago man lang ako lumisan?

O Prinsesa Ana ng Kaharian ng Shirledonia
Sa kaharian ng puso ko ikaw ang reyna.
At ito naman ako, gising na nangangarap habang sa bitwi’y nakatitig
Na sana baling araw ako ang katabi mo sa trono ng pag-ibig.

































No comments:

Chitika (Your Help in Searching)

Popular Posts

My Blog List

My Favorites Books, Author, Movies

  • Paolo Coelho
  • The Alchemist
  • The Passion of Christ
  • Tuesdays with Morries
  • The Little Prince