Sarang Kaakuhang Harang
Naranasan mo na bang mabulag? Ano kayang nararamdaman ng isang bulag? Kahit hindi ko pa man naranasan ang maging bulag, maaari kong maipahayag kung ano ako kung nasa ganoong kalagayan. Tulad sa panandaliang pagpikit ko wala akong makita bukod sa kadiliman. Oo nga, nararamdaman ko ang paligid ko, ngunit isa ang sigurado, na ako ay isang bagay na nagaganap. Ang kamalayan ko ay nagsasabi na ako’y naririto.
Bakit ko ito ipinapahayag? Sapagkat maraming pagkakataon sa ating buhay na tayo ay nagiging bulag sa komunidad na ating ginagalawan at kinabibilangan. Maari ko ding sabihing – nagbubulag-bulagan!
Paano at bakit ba tayo nagiging bulag? Nais kong baguhin ang tanong: Ano ang humaharang sa ating paningin para hindi natin makita ang katotohanang nangyayari sa lipunan.
Ang ating mga paningin at kamalayan ay may sariling puso na nabubuhay sa mga bagay na kanyang nakikita at nararamdaman na siya namang nag-uudyok sa kanya para mahalin ito at gumawa ng isang bagay. Ngunit nababakuran ito ng isang bagay na nagiging dahilan para tayo maging bulag. Binabakuran natin ng mga salamin ang nagaganap na “ako” kaya wala tayong makita bukod sa salamin at sa repleksyon ng maraming “ako”.
Ang “ako” ang bagay na pinakadahilan kung bakit tayo nagiging bulag sa ating paligid o mas marapat sigurong sabihin na nagbubulag-bulagan tayo dahil walang ibang bagay na naaabot ang ating paningin bukod sa mga “akong” nakapalibot sa atin. Kasabay din nito ay ang pagbibingi-bingihan natin sa mga katok at sigaw ng maraming “iba” sa labas ng salaming harang. Nagiging manhid tayo sa lamig na ating nararamdaman sa tuwinang pagdikit natin sa harap ng salamin sapagkat ang puso natin ay nanlalamig na rin sa pagmamahal. Lahat doon sa loob ng salamin ay “ako”. Kung kaya ang mas tumatatak sa ating isip at puso ay ang samu’t saring pansariling kagustuhan natin. Nagdedesisyon tayo sa mga bagay na masisiyahan tayo, pinipili natin ang isang bagay na masasarapan tayo o pinupuntahan ang mga lugar na malilibang tayo. Wala tayong ibang alam kundi pasayahin ang mga binubuhay nating mga “kaakuhan” sa loob natin. Para baga ang mundo natin ay binubuo ng napakaraming “ako” kaya hindi na natin makita ang napakaraming nagaganap na “iba” na kung saan sila ang mas nangangailangan ng tulong at pagmamahal. Higit sa lahat, silang “iba” ay mas naghahanap at nangangailangan ng isang “ako” para maramdaman din nila na sila ay tulad din ng “ako” ay mga bagay ring nagaganap sa mapagkalingang daigdig na ito. At para malasap din nila ang mga liwanag at kasiyahang ibinibigay natin sa ating “kaakuhan”.
Buti pa nga ang isang totoong bulag sapagkat napapalinaw niya ng husto ang paningin ng kanyang puso para maramdaman ang mukha ng kanyang paligid at makita ang kanilang pagmamahal at ang pagmamahal niya sa nakapalibot sa kanya. At ang lubos na kahanga-hanga na kahit siya ay bulag ay nagmamahal din…ay may magagawa rin.
Ano pa kaya tayong mas nakikita ang sikat ng araw. Hindi ba natin nararamdaman at napapansin ang pangangailangan ng mundo sa atin?
Sa sandaling makita natin ang “iba” at abutin sila, ang salaming bakod ay magigiba na kung saan magsisilbing daan para makita at magising tayo sa totoong mundo. Dito mas maliwanag ang sikat ng araw at mas matingkad ang kulay ng bahaghari sapagkat puso na natin ang tumitingin at nakamamasid sa napakaraming ngiti ng napakaraming “iba” na naabot ng ating mga kamay.
No comments:
Post a Comment